tristancafe - ang tambayan ng mga walang magawa sa buhay
Search Tristancafe Forums
Custom Search
frontpage music karaoke games forum berks columns quizzes crosswords
Haven't registered here yet? Sign up now! to participate in the forums and enjoy all the cool features of TristanCafe Social Network. Everything's FREE, and it will only take less than a minute, pramis :)
Main Forum - Category:Poetry & Fiction
Yesterday (Day 2)
posted by (Jul 01, 2009 @ 9:30AM) views: 297


Day 1



Day 2

Wish Granted


‘Ay Brian! Gising na! Malapit ka nang papasok, hala bangon na dya’n!’ Pambubulahaw ni Aling Caridad kay Brian.

Ngunit ilang minuto na ang nakalipas hindi pa rin ito bumababa.

Nang mainip ang kanyang ina’y inakyat na siya nito sa kanyang kuwarto, at nang makita nga niyang nakahilata pa rin ang bata’y nanggagalaiti niyang hinampas ito ng unan.

‘Lintik kang bata ka! Akala ko kung ano nang ginagawa mo hindi ka pa rin pala bumabangon! Hala bumangon ka na diyan bago pa maubos ang pasensya ko’t kakalagkarin na kita dya’n pababa!’

‘Bakit ba?! Anong oras na ‘ba?!’ Nagmamaktol niyang tanong.

‘Aba’y alas seis na, punyeta!’

‘Kakaumpisa pa lang ng lunch time nambubulahaw ka na! Umalis ka na nga!’ Sabay pihit patalikod sa matanda at itinalukbong pa ang kumot sa ulo niya.

‘Ano ba’ng pinagsasasabi mo dya’ng bata ka?! Anong lunch time?! Umaga pa lang, at ngayon ang una mong pasok sa grade 1!’

‘Puwede ba tigilan na nga ninyo ang pambobola sa ‘kin ng ganyan?! Puyat ako sa overtime kagabi kaya pakiusap huwag na nga ninyong istorbohin ang tulog ko!’

Sukat doo’y nagpanting ang tainga ni aling Caridad at sa inis ay hinaltak niya ang kumot at piningot ang tainga ng anak para bumangon ito.

‘Ako huwag mo’ng aartehan ng ganyan ha?! May pa-lunch time-lunch time ka pang nalalaman palibhasa kung sino-sino kasi ang mga kinakaibigan mo! Babangon ka o kakaladkarin kita pababa?!’

‘Aray! Ano bang ginagawa mo Eddie?! Tigil – h-huh?!... N-nay?!... Pa’nong…’ Gulat niyang sambit nang malaman niyang hindi pala si Eddie ang gumigising at pumipingot sa kanya.

‘’At sino ba ako sa akala mo putris kang bata ka?! Sige! Aantayin kita sa baba ha?! At kapag hindi ka pa bumaba sa loob ng sampung Segundo uupakan na talaga kitang bata ka!’ Saka iniwan na si Brian sa kuwarto.

Sinulyapan niya ang orasan – alas seis dies na. Sumilip siya mula sa bintana, madilim-dilim pa ang paligid at bahagyang malamig ang hangin na ibig sabihi’y umaga na nga. Pagkatapos binuksan naman niya ang kanyang drawer para kunin ang kanyang cell phone para kontakin si Eddie ngunit wala iyon doon kaya sa kanyang cabinet naman niya iyon hinanap, gayundi’y wala rin doon ang kanyang cell phone. Bukod pa doo’y may napansin siyang kakaiba sa kanyang cabinet: ‘Bakit puro pang-elementary na uniforms lang ang nakasabit rito? Nasa’n na yung mga corporate attire ko?’

Sukat roo’y napagtanto niyang hindi lang ang kanyang cabinet ang naiba kundi maging ang buong kuwarto niya, at habang sinusuyod ng kanyang paningin ang buong kuwarto’y nahagip niya ng tingin ang malaking salamin na nakasandal malapit sa pinto, at nagimbal siya sa kanyang nakita: ‘Aaahhh!!! L-l-lumiit ako! B-bakit ako nagkaganito?!’

Naghihisteryang dali-dali siyang bumaba ng kanyang kuwarto para sabihin sa kanyang ina ang nangyari, sa pagmamadali’y natisod siya at paharap na lumagapak sa sahig. Pagulong-gulong siya habang hawak ang tuhod na namimilipit sa sakit. Nang makarekober, dahan-dahan siyang tumayo, at habang nakasandal ang kamay niya sa pader nakita niya ang kanilang kalendaryo, lalo siyang nagulat nang makita ang petsa na nakasulat sa kalendaryo.

‘A-ano ‘to?!... June 7, 1993?!... T-teka sandali… Ang sabi ni nanay kanina unang pasok ko raw ngayon sa grade 1, at kung hindi ako nagkakamali 1993 nga ako pumasok ng elementary… H-hindi kaya…’

Dali-daling pinuntahan ni Brian si aling Caridad sa kusina. ‘Nay, nakita niyo ba ‘yung SonyEricsson phone ‘ko?’

‘Soni – ano ba ‘yun?!’ Nakakunot-noong balik-tanong ng kanyang ina.

‘Yung W380i ko po na cell phone. Nakita niyo po ba kasi nung tiningnan ko sa drawer ko wala eh.’

‘Hay naku bata ka, hindi ko maintindihan ang pinagsasasabi mo! Pa’no ko makikita ang isang bagay kung hindi ko alam kung ano ‘yung nawawala mong gamit?! Palibhasa napakaburara mong bata ka, pagkatapos mo kasing maglaro ni hindi mo inililigpit kaya ayan nawawala! Hala pumarito ka na nga’t kakain na tayo! Puro ka problema!’

Malinaw na sa ‘kin ngayon ang lahat. Walang duda, 1993 pa lang ngayon dahil paano nga naman niya malalaman kung nasaan yung telepono ko kung wala pa naman no’n sa panahong ito? Pero… paano ako napadpad ulit sa panahong ‘to? Hindi kaya nananaginip ako?... Pero ang sakit ng pagkakahulog ko sa hagdan kanina… imposible namang panaginip lang ang lahat ng ‘yon…Kung gano’n… talaga nga kayang bumalik ako sa nakaraan?... Pero kung gano’n nga bakit hindi nawala ang mga ala-ala ko sa kasalukuyan? Bakit may alaala pa rin ako ng mga bagay na wala sa panahong ‘to?


Matapos makakain ng agahan, makapaligo’t magbihis nagpaalam na si Brian sa kanyang ina para pumasok sa eskuwela, ibinigay nito sa kanya ang kanyang baunan at isang sampung pisong papel.

‘P-puwede po bang pera na lang ang ibigay niyo sa ‘kin imbes na baong pagkain? Baka kasi tumapon pa ‘to sa bag ko eh, tsaka dyahe tingnan. At kung puwede pakidag-dagan po ang baon kong pera.’

‘Tigilan mo nga ‘kong punyeta ka! Kung ano-ano lang ang ibibili mo sa pera, pasalamat ka nga’t may baon at pera ka pa! Hala umalis ka na nga bago pa mag-init ang ulo ko sa’yong bata ka!’ Singhal naman nito sa kanya.

‘Grabe naman! “Oo” “Hindi” lang naman andami pang sinabi!’ Pabulong niyang sabi pagtalikod niya sa ina.
Paglabas niya ng bahay ay tamang-tama namang may naraan agad na jeep kaya dali-dali siyang sumakay. Pag-upo niya sa may harapan ng jeep agad niyang iniabot ang sampung pisong papel sa drayber, at agad-agad inabutan naman siya nito ng 8.50 na sukli.

Talaga ngang nasa nakaraan na ako, pero ano’ng silbi kung mura man ang pamasahe kung sasampung piso lang ang pera mo? Hay… kahit kailan talaga napaka-kuripot ng matandang ‘yun! May baon nga akong pagkain hindi naman nakakabusog; kung hindi hotdog at nilagang itlog hotdog at pritong itlog naman! Pero… at least natupad ang hiling ko, ngayon may pagkakataon na akong baguhin ang kapalaran ko, mula rito, sana nga lang dapat sa panahon na lang no’ng 4th high school ako ibinalik…

Pagsapit niya sa eskwelahan, sakto namang paumpisa na ang flag ceremony at pumipila na ang mga bata kaya hinanap na niya ang kanyang section at pumila na.

Ah… flag ceremony, panunumpa, awit ng Maynila at pagkatapos hataw 2…hindi ko maubos maisip na ginagawa ko ulit ang mga bagay na ito ngayon. Pero kahit nasa batang estado ako, pakiramdam ko parang wala ako sa lugar. Habang pinapanood ko ang mga batang ‘to na napaka-inosente ng ekspresyon habang buong gilas na sumasayaw, hindi ko maubos maisip na ganito ako no’ng bata. Nakakatawa…

Matapos ang lahat ng mga exercises pumasok na sina Brian sa kanilang silid-aralan. Sa loob, naroon na ang kanilang adviser at mangilan-ngilang mga magulang na sinamahan ang kanilang mga anak sa pagpasok. Pinili niyang pumuwesto sa likurang hanay ng mga upuan gaya ng parati niyang ginagawa noong nag-e-eskuwela pa siya.

Halos nakalimutan ko na ang tagpong ito, gano’n na pala katagal ang 16 years. Ni hindi ko nga agad nakilala si Ms. Rio na teacher ko sa English noong grade 1 kung hindi pa siya nagpakilala, at ngayon ko talaga napatunayang napakaganda niya. Masuwerte siya’t puro mga batang uhugin lang ang mga tinuturuan niya dahil sa halay ng suot niya ngayon malamang sa tingin pa lang nahubuan na siya ng mga manyakis, at pasalamat rin siya dahil hindi ako manyakis!

Sa patuloy niyang pagmamasid sa buong silid, napansin naman niya ang isang batang lalaki sa unahang kanang hanay na panay ang hagulgol habang nakayakap sa isang matandang lalaki.

Muntik ko nang makalimutan, dito ko nga rin pala nakilala si Eddie. Ang, mokong, sino’ng mag-aakalang sa kabila ng sobrang kapilyuhan ng lalaking ‘to eh napaka-iyakin pala no’ng bata, at kung makakapit sa lolo niya ‘kala mo unggoy na nakasabit sa puno! Kahit ako nahihiya sa ginagawa niya!

Ilang sandali pa’y nagsi-labasan na ang mga magulang ng kanyang mga kaklase at nagsimula na ang kanilang guro sa kanilang liksyon. Kung ang mga estudyante’y tuon ang atensyon sa kanilang guro habang nagsasalita ito, si Brian nama’y ni hindi man lamang nakuhang makinig at sa halip ay abala sa pagdo-drowing ng kung ano-ano sa ibabaw ng kanyang arm chair.

Napaka-istupido… hindi ko akalaing ganito ako ka-istupido noong grade 1 ako. Kahit nakapikit ako, o kahit pa ngayon na nila gawin ang final exam maning-mani sa akin eh, ugok na lang ang magre-review! Ganito ba ka-inosente ang isang pitong taong gulang at ni magbilang hanggang 100 napapatigil pa? Ano ba kasi ang plano ng tadahana at sa panahong ito pa ako ibinalik? Ano bang bagay ang worth alalahanin sa panahong ‘to?

Maya-maya pa, naulingan niya ang kanyang katabi, na isang batang babae na mahinang humihikbi.

Hmm… Halos lahat ng narito natatandaan ko pa… pero ang isang ito… parang ngayon ko lang ‘ata siya nakita… ni hindi ko matandaan kung naging kaklase ko ba ang batang ‘to. Kanina pa ba siya umiiyak? Kanina antahimik pa niya no’ng kasama niya ang nanay niya… namomroblema rin pala siya sa separation anxiety niya. (Napapangisi.)
Iyon lang at muli niyang ibinaling ang atensyon sa ginagawa. Habang tumatagal naman, paigting na nang paigting ang pag-iyak ng bata habang umuusal ng “mama.” Sa pagkairita sa kaingayan ng katabi’y kinausap na niya ito.

‘Oy bata, bakit ka ba iyak nang iyak? Kanina lang antahimik mo a?’

Ngunit walang tugon siyang nakuha mula rito.

Buwisit na bata ‘to ah, ayaw akong pansinin?! Teka nga! ‘Alam mo nakakatawa ka, ang tanda-tanda mo na iyakin ka pa! Siguro ilang beses ka nang bumalik sa grade 1 ‘no?! O baka ilang beses ka nang nag-kinder kaya ngayon ka lang magge-grade 1?!’ Aniya sa nambubuyong tono.

‘6 years old pa lang ako, at ngayon pa lang ako magge-grade 1! Hindi ko na kailangang mag-kinder dahil tinuruan na ako ng mommy ko!’ Humahagulgol na depensa naman nito.

Baaa! Ibang klase rin naman ang fighting spirit ng bulilit na ‘to. Sige, subukan pa natin ng kaunti! ‘O sige nga?! Kung hindi ka repeater sa kinder bakit ka iyak nang iyak? May grade 1 bang iyakin?

(Hikbi) ‘S-sabi ni mommy matalino raw ako… kaya hindi ko na kailangang mag-kinder at ipinasok niya na ‘ko sa grade 1. Sabi pa niya matapang raw ako at kaya kong mag-isa nang wala siya… pero… n-n-natatakot ako… baka iniwan na ako ni mommy rito… hindi ko kaya nang wala si mommy ko…’ At muling humagulgol.

Siyete… nagtatapang-tapangan lang pala ang isang ‘to… mu’kang kakailanganin ko rito ng kaunting diskarte…




To Be Continued...
Share this post (facebook, email, twitter, etc) at pagpapalain ka ng husto.
| More
 
newer post:
Mr. Wrong nga ba? (Four)
older post:
paminta

:: comments ::
Note: New comments (since you last visited this post) are marked with
Tank20    •reply Jul 1, 2009 @ 2:23 PM
 
: b o o k : 

: c o o l : 
Polar22    •reply Jul 1, 2009 @ 6:16 PM
 
update na ul811 plss : n o t w o r t h y : 

pwede otor? : ? 
  mirrorcle_world    •reply    Jul-1-09@8:19PM
I'm not sure. Perhaps I can do another post tonight, but don't expect to much. : l o l : 
iane    •reply Jul 2, 2009 @ 5:51 AM
 
nagbalik tlga sa past at at at di naerase ung memory nya..nice!

:: leave a comment

You need to be logged-in order to post comments.
Still do not have an account?
Register for free

newer post:
Mr. Wrong nga ba? (Four)
older post:
paminta
login:

password:

Not yet a member?
Register for free!

Lost password?
love quotes and poems
The most wonderful of all things in life is the discovery of another human being with whom one's relationship has a growing depth, beauty and joy as the years increase. This inner progressiveness of love between two human beings is a most marvellous thing; it cannot be found by looking for it or by passionately wishing for it. It is a sort of divine accident, and the most wonderful of all things in life.
--Sir Hugh Walpole

You need to be logged in to Facebook