tristancafe - ang tambayan ng mga walang magawa sa buhay
Search Tristancafe Forums
Custom Search
frontpage music karaoke games forum berks columns quizzes crosswords
Haven't registered here yet? Sign up now! to participate in the forums and enjoy all the cool features of TristanCafe Social Network. Everything's FREE, and it will only take less than a minute, pramis :)
Main Forum - Category:Poetry & Fiction
Northern LIght 8, 9 (Missing Reprise Chapters)
posted by (Jul 24, 2008 @ 12:38AM) views: 401




Click niyo yung Picture for previous Chapters : s m i l e : 





CHAPTER 8

The Masquerade Party

Papunta sa kanilang gym ng umagang iyon si Warren. Isang ordinaryong umaga para sa kanilang ensayo sa basketball team. Nguni’t kung gaano kaaliwalas ang panaho’y ganoon naman kadilim ng kalangitan para sa kaniya. Mabibigat ang kaniyang mga paa habang tinatahak ang daan patungong Blue Eagles Gym. Kung maaari nga lamang, ayaw na niyang tumuloy pa. Ang bagyo ng kawalang buhay at pagkasiphayo ay isang napakalakas na puwersang hindi niya na makakaya pang harapin. Ang laro at eksaytment; lahat iyo’y wala nang kabuluhan pa, maisip lamang niyang kasama niyang naglalaro ang mga halimaw na iyon. Isang dilemma? Pinitensiya? Isang bagay na hinugot sa pabor? Ano pa nga bang salita ang mas sasahol sa sitwasyong kinasasadlakan niya ngayon? Hindi na niya maalam, at hindi na rin niya balak alamin pa.

Isang kumpulan ng mga estudyanteng babae ang bumungad sa kaniya sa pinto ng gym. Hindi na bago sa kaniya ang ganoong eksena. Ang mga usiserong iyon ay nandoon nanaman para panoorin ang kanilang mga idolo. Kahit naman saan; mapa-practice game man o isang official game, makikita sila palagi na animo’y mga kabuteng nagsusulputan matapos ang malakas na ulan. Ang nakatatawa, magagawa nila lahat para lang pansinin sila ng mga buwitreng iyon. Kahit pa siguro ibuyangyang na nila ang buo nilang katawan at kaluluwa. Napapangisi siya sa isiping iyon.

Minabuti niyang magdaan sa likod ng gym upang umiwas sa komosyon. Habang papunta roo’y nakasalubong niya ang isa sa kaniyang ka-team mate na si Chad.

‘Warren! Good morning! Papunta ka na ba sa loob?’

‘Oo. May road block kasi sa harap kaya sa likod ako dadaan.’ May pagka-sarkastiko niyang tugon.

‘Sinabi mo! Hindi ka maniniwala! Kanina pa silang 9:30 diyan! Nakakairita na nga sila eh! Wala na ba silang magawa kundi ang tumambay diyan sa harap ng gym at magtitili?! Wala naman silang naiintindihan sa basketball! Pag sinaway mo naman ikaw pa lalabas na kontrabida! Hayyy!!!!’ Inis nitong himutok.

‘At sana naging guwapo ka ring tinitilian; ‘yun na ang kasunod no’n di ba?’ Nakangisi niyang dagdag.

‘Medyo! He! He! He! Pero hinding-hindi ako mananakit ng babae, alam mo ‘yan! Kaya tayo nanditong mga lalaki kasi mahihina sila, at tayo ang poprotekta sa kanila!’
‘Isa nanaman sa mga antics mo?! Baduy mo! Siya nga pala sina Sanders at iba pa, nandiyan na ba sila?’

‘Oo. Sabay-sabay silang dumating kanina. Actually ikaw na lang ang hindi pa dumarating. Ba’t ba recently lagi ka ng late? Pasalamat ka wala pa si coach! Siguradong tatakbo ka nanaman ng 30 laps niyan sa court! Hindi ka nanaman makakalaro!’

‘Mas gusto ko nang mag-sprint na lang, kesa mag-suicide.’ Tipid niyang sagot sabay talikod na sa kausap at umalis.

‘O-okay… fine! Di dapat sa athletics team ka na lang sumali! Weirdo naman nun!’ Pabulong nitong sabi.

Kung tutuusi’y siguradong mabibigyan nanaman sana siya ng parusa. Nagkataon lamang na nahuli rin sa practice ang kanilang coach. Bagama’t hindi pagkakataon lamang na palagi siyang huli dahil sa kung ano pa mang bagay; ginagawa niya lang alibi ang pagiging huli upang mabigyan siya ng parusa at hindi na makapaglaro pa. Aniya, mas maigi na ang ganoon kaysa gawin ang isang bagay na para sa kaniya’y isang pagpapatiwakal. Bagama’t sa kabilang banda’y masakit din sa kaniya ang kaniyang ginagawa.

Pagsapit sa gym, nadatnan niya ang kaniyang mga team mates na nagkukuwentuhan, habang ang ibang new recruits ay nagsu-shooting. Ang iba nama’y nag-i-stretching.

‘Napaka-iresponsable! Sila na dapat ay maging magandang halimbawa sa mga baguhan ay wala nang ginawa kundi ang magkuwentuhan?!’ Parang gusto na niyang sumabog ng mga sandaling iyon.

Agad nagtungo si Warren sa locker room para magpalit ng panglarong uniporme. Pagkatapos agad sinamahan ang mga rookies sa pag-eensayo ng mga ito.

‘Puwede ba ‘kong sumali?’ Masiglang bati ni Warren sa isang baguhan.

‘O-oo naman kuya Warren! Sa totoo lang, hindi talaga namin alam ang gagawin eh. Basta nag-warm-up na lang kami.’

‘Eh, ang captain? Wala ba siyang sinabing idi-drill niyo?’

‘Wala eh! Ang sabi niya lang mag-warm-up lang muna kami habang hinihintay si coach na dumating.’

‘Gano’n ba?... Okay sige! Ako na muna ang magdi-drill sa inyo pansamantala. Tawagin mo na ang mga kasamahan mo!’
‘Opo!’ Ang masiglang pagtalima ng baguhan.

Sa umagang iyon, kahit papaano’y naging makabuluhan ang kaniyang pananatili sa basketball court. Tutulungan niya ang mga bagong kasamahan na maging masigasig sa paglalaro. Naaalala niya tuloy ang sarili sa mga baguhang iyon; punum-puno ng sigla at binubusog ang sarili sa pangarap. Walang inintinding problema, kundi ang araw na hindi na siya maaari pang makapaglaro sa buong buhay niya. Sa ngayon, hindi na muna niya iintindihin ang kaniyang mga problema. Ang mahalaga’y maibahagi niya sa mga baguhang iyon ang kaniyang diwa sa paglalaro.

Sa kabilang dako, walang patumangga pa ring nagkukuwentuhan ang mga seniors na animo’y walang nakikita’t naririnig sa kanilang paligid. Larawan sila ng mga klaseng mayayabang at arogante; na ang tingin sa sarili’y mataas pa sa tore ng isang hari. Na kailanma’y hindi sila masasaling ng kahit na sino pagdating sa basketball. Na ang turing sa sarili’y alam na ang mga bagay-bagay at na hindi na kailangan pang matuto ng iba pa. At kung pagmamasdan sila’y mapapaisip ang isa kung talaga nga bang mga atleta ang grupong iyon.

‘Kumusta na yung taga-CEU na nililigawan mo ngayon pare?’ Tanong ng isa na nakasuot ng jersey number 14.

‘At bakit mo naman gustong malaman?’ Hindi nito balak sabihin ang sagot sa tono ng pagsasalita nito.

‘Wala lang naman pare! Tingin ko kase parang humihina na’ng diskarte mo recently! Ba! Dati-rati ilang araw lang ang inaabot mo sa panliligaw napapasagot mo na! Ngayon, nakaalis na’t lahat-lahat wala pa ren?!’ Parang nang-uuyam ang tinig nito.

‘This one’s special pare! Hindi mo siya maikukumpara sa mga disposable teens na naligawan ko na, walang ka-challenge-challenge! Gusto ka nila kaya kahit ibenta na nila ang kaluluwa nila sa’yo, o kaya mag-harakiri sila, nothing matters! So where’s the adventure in that? This time gusto ko namang mahirapan ng kaunti, para kapag nakuha ko na siya, paparusahan ko siya ng husto!’ At sinundan ng mala-dimonyong ngisi.

‘Ang lupet mo dude!!! Ikaw nga si Clifford Sanders! The “Chick Magnet!” Pero ang totoo eh “The Woman Reaper!” Ha! Ha! Ha! Ha!’ Sabad naman ng isa na nakasuot ng jersey number 3.

‘Pero sa totoo lang, nakakabaliw ang beauty ng chikas na yun! Ba! Walang aling ibebenta ko kahit pa yung pinakamamahal naming ancestral house matikman ko lang siya! Kainggit ka talaga pare!!!’ Sabi uli ng jersey number 14.

‘Ang baho talaga kahit kailan niyang mukha mo Brice! Kaya tingin sa’yo ng mga chikas serial rapist ka eh!!!’ At sabay-sabay silang nagtawanan ng malakas.

Sa puntong iyon, umabot na sa sukdulan ang hinahon ni Warren na kanina pa pala nakikinig sa kanilang pag-uusap. Walang anu-ano’y kumuha siya ng isang bola at buong lakas na idinakdak iyon. Sa lakas ay yumukod ng bahagya ang rim ng backboard, ngunit ang mas importante’y napukaw niya ang atensiyon ng mga kakampi niya.

Napalingon din ang karamihan sa mga rookies kay Warren. Maging ang mga maiingay na usiserong nakadungaw mula sa entrance ng gymnasium. At sa mga mukha nito mababakas ang pagka-irita at pagkainis. Nakuha pang magbulung-bulungan ng iba na parang tinutuya si Warren. Kunsabagay siya kasi ang klaseng hindi gaanong masalita, dahilan kung bakit hindi magaan ang loob sa kaniya ng karamihan sa kabila ng maamo niyang mukha at kakisigan.

Matalim na tinitigan ni Warren ang kumpulan nina Clifford. Wari’y nangungusap ang kaniyang mga titig na iyon na sinasabing “subukan mo pang bastusin si Jillia at magsisisi ka!!!” samantalang ang iba pang mga baguhan’y hindi na maipinta ang mukha na tila nakakaramdam na ng matinding tensyon sa pagitan ng kanilang mga seniors. Nguni’t wala namang magawa gawa ng pag-aalinlangang pumagitan sa kanila.

‘Tch!!! Ano ba’ng problema ng ungas na ‘yan! Nagpapapansin nanaman?!!!’ Iritang saad ni Brice.

‘Hamo nga siya! Toyo lang talaga yang si Seales!’ Sabi naman ng Jersey number 3.

Si Clifford nama’y nginisihan lang nang may pagka-sarkastiko si Warren na waring sinasabing “wala kang kuwenta!!! Talunan!!!”

Maya-maya pa’y dumating si Chad na may dalang anunsiyo galing sa kanilang coach.

‘Guys! Rookies! Announcement galing kay coach, wala muna tayong practice ngayon dahil meron siyang dinaluhang meeting sa BAP! Regular practice will resume tomorrow at 10:00 AM sharp. That’s all for today, magligpit na tayo ng mga gamit!’

Matapos marinig ang anunsiyo ni Chad ay mabilis pa sa alas-kuwatrong nag-alisan ang grupo nina Clifford na hindi man lang naisip na tulungan ang mga rookies na magligpit ng mga gamit na nakakalat sa basketball court. Kasunod din noo’y sabay-sabay ring nag-alisan ang mga estudyanteng kanina pa nakadungaw roon. Ang iba pa nga’y tinapunan pa ng masamang titig si Warren.
‘Hayyy! Grabe naman sila! Basta na lang tayong iniwan dito! Ni hindi man lang tayo tinulungang maglinis ng court!’ Himutok ni Chad na nakakunot-noo.

‘Huwag ka nang magreklamo. Hindi lang ikaw ang maglilinis dito.’ Inihagis ni Warren ang map kay Chad.

‘Sabi ko nga eh!’ At sinundan niya ng malalim na buntong hininga.’

Habang naglilinis, nagsimula ng pag-uusap si Warren.

‘May tanong ako sa’yo Chad…’ Malalim ang kaniyang tono.

‘Ano naman?’ Balik na tanong ni Chad habang naglalampaso.

‘Bakit ka pumasok sa basketball team?’
Hindi kaagad nakasagot si Chad. Tumigil na muna siya sa paglilinis at naupo sa sahig bago nagsalita.

‘Siyempre! Para maglaro! Meron pa bang ibang dahilan?’ Nakangisi pang tugon nito.

‘Hindi nakakatawa ang joke mo!’ Iritable niyang tugon.

‘Ito naman hindi ka na ba mabiro?! Alam ikaw ang korni eh, dahil wala kang sense of humor!... Bueno, back to the point, sa totoo lang, hindi naman espesyal ang dahilan ko kung bakit ako naglalaro. Naglalaro ako ng basketball dahil gusto ko. Siyempre, bonus na rin yung kikitain ko sa paglalaro kung sakaling makapasok ako sa professional league. Pero kung hindi naman, basta makalaro lang ako ayos na ‘yun!’

‘Makapaglaro? You’re sick! Palagi mo ngang pinaiinit yung bench eh! Ano ba’ng masaya sa pagiging bangko?’

‘He! He! Nahuli mo ko dun ah! Pero alam mo it’s kinda weird, pero kahit nababangko ako, at madalas nga na hindi ako nakakapaglaro, gusto ko pa ring maging basketball player! Ito na kasi ang buhay ko eh. Alam mo? Gusto ko talaga ang ingay ng basketball court! Mga taong naghihiyawan kapag may pumapasok na three-point shot, o kaya naman kapag may nagda-dunk. And those things bring chills to my spine all the time! Minsan nga ini-imagine ko pa ang sarili ko na ako yung hinihiyawan ng mga tao. Of course hindi dahil ini-imagine kong chick magnet ako or what, pero dahil natutuwa sila sa ginagawa ko! At ‘pag gano’n sumasaya ka na rin! Yung ga’nong feeling na nakapagpapasaya ka ng tao? Walang inaalala kung matalo ka man o hindi ka maka-score ng maraming puntos, basta masaya ang fans, ayos na ang buto-buto! Puwede mong sabihing kababawan ang bagay na ‘yon, pero para sa ‘kin maituturing ko ‘yong pangarap ko!’

‘Alam mo? Ang daldal mo.’ Sabi ni Warren na tila nayamot sa mga sinabi ni Chad.

‘He! He! He! He! Gano’n talaga ako eh! Huwag mo na lang pansinin yung mga sinabi ko!’ Sabay tayo na at itinuloy na lamang ang paglalampaso.

Pagkuwa’y biglang pinasahan ni Warren si Chad ng bola. Tikwas naman ang kilay ni Chad sa pagtataka.

‘Maglaro tayo ng one-on-one. Sa’yo ang bola.’ Sa tonong tila naghahamon.

‘O-oo ba?! Sige! Humanda ka!’
Nguni’t hindi pa man nag-iinit sa mga kamay ni Chad ang bola’y nahablot na agad ito ni Warren at walang kahirap-hirap na ini-lay-up iyon. Muling bumalik kay Chad ang bola. At kagaya ng nauna, parang kendi lang na inagaw ni Warren ang bola sa kaniya. Sa pagkakataong iyo’y bumuslo naman si Warren malapit sa free throw line; pasok.

‘Nakakabagot yang ginagawa mo! Wala ka na bang iba pang igagaling pa diyan?!’ Nanunuyang sabi ni Warren at ipinasang muli ang bola kay Chad.

‘Heh!!! Hindi pa ko ready nu’n pero eto na! magseseryoso na ‘ko!’

Sa pagkakataong iyo’y hindi na niya hinarap si Warren pinostehan na niya ito. Tiniyaga niya ito hanggang makalapit na siya ng husto sa ring at nagpakawala ng isang hook shot. Nguni’t walang kaabug-abog na sinupalpal lang iyon ni Warren. At siyempre, nagulat si Chad, bagama’t nakuha pa rin niya ang loose ball.

‘Anak nang! Naisahan nanaman ako dun ah!’ Pabulong na winika ni Chad.

‘So, seryoso ka na pala ng lagay na ‘yon?!’

‘Tumahimik ka diyan! Nagsisimula pa lang ako, kaya humanda ka na!’

‘Kung gano’n, kailangan ko na rin palang magseryoso…’ Biglang tumalim ang mga mata nito.

Buong liksing nag-drive si Chad upang lampasan ang depensa ni Warren. Nguni’t sa pag-aakalang naiwanan na niya si Warren’y hindi niya namalayang natapik na nito ang bola sa kaniya.

‘Ngayon ako naman!’

Huli na para maka-rekober pa si Chad sa depensa at walang kahirap-hirap na idinakdak ni Warren ang bola sa ring. Sa lakas nito’y uugoy-ugoy pa ang backboard na animo’y niyanig ng lindol.

Pagkatapos nilang maglaro na tumagal ng isang oras. Lagpak sa sahig si Chad sa sobrang kapaguran, habang si Warren ay tila hindi man lang pinagpawisan at pa-dribble-dribble pa.

‘Grabe ka Warren! Kah! Kah! Ni hindi man lang ako nakapuntos sa’yo! May baterya ka bas a tiyan at ni hindi ka man lang pinagpapawisan?!’
‘Bakit? Sa tingin mo ba mananalo ka sa ‘kin?’ Habang pa-dribble-dribble pa rin.

‘Kung ganyan ka pala kagaling bakit hindi mo gamitin ‘yan sa laro? Sa tingin ko malalampasan mo kahit pa si Clifford?’

‘Hindi na mahalaga ‘yon. Ano na? sumusuko ka na? hindi pa tapos ang laro natin, hinihingal ka na?’

Napatingin si Chad kay Warren dahil sa tinuran niyang iyon. Waring sinusubok siya nito.

‘Kung gusto mong magtagal sa paglalaro, dapat mas matindi pa dito ang dapat mong gawin! O ano? Itutuloy na ba natin?’

Tila nabuhayan naman si Chad sa sinabing iyon ni Warren at noon di’y tumayo na siya. ‘Ooookayyy!!! Ready na uli ako!!! Sigeee!!! Ibaba mo na ang bola!!!’

At naglaro silang muli. Ngunit ngayo’y hindi na alintana ni Chad ang pagod.





CHAPTER 9

Ticket To Paradise

Gabi na nang makauwi si Warren sa kanilang bahay galing sa eskuwelahan. Pagsapit niya sa great hall ay sinalubong siya roon ng isang matandang lalaki. May suot itong makapal na salamin na itinataas-taas pa nito kapag bahagyang lumuluwag. Ang pananamit ay isang itim na suit at maliit na kurbata. Taas noo lagi at may istriktong ekspresyon. Iyon si Fabritzio, ang mayordomo ng Polaris Mansion.

‘Good evening po Master Warren. Handa na po ang hapunan niyo. Ipaghahain ko na po ba kayo, o ipahahatid ko na lang ang pagkain niyo sa kuwarto niyo?’ Kaswal na tanong ng may edad nang mayordomo.

‘Salamat. Ipahatid niyo na lang po sa kuwarto ko. Maliligo na po muna ako.’ Tipid na sagot ni Warren. At pagkatapos ay iniwan na ang matanda.

Papunta sa kaniyang kuwarto, napatigil si Warren malapit sa pinto ng Scorpio room. Bigla’y nanlamig siya. Hindi niya maipaliwanag nguni’t palagi’y nakakaramdam siya ng pagkatakot sa tuwing mapapadaan sa tapat Scorpio room. Kung mayroon nga lamang sanang iba pang madadaanan bukod sa pasilyong iyo’y hinding-hindi man lang niya nanaising makita ang pinto noon. Nuon kasi, nang mabili ng kaniyang ama ang mansiyon, mahigpit na binilinan sila ng caretaker noon ng mansiyon na huwag na huwag papasok, ni hahawakan man lamang ang pinto ng Scorpio room pagkat doo’y may nananahan daw na isang espiritu. Bagama’t sinabi ng caretaker na hindi likas na masama ang espiritu ay maaari raw itong magalit sa sandaling magambala nila ito, at siyang magiging sanhi ng kamalasan sa buong mansiyon. Kaya nang ipaayos nila ang mansiyon ay ang Scorpio room lamang ang hindi nila ginalaw.

Bumuntong hininga ng makailang ulit si Warren, pagkatapos ay pikit matang tumakbo palampas sa Scorpio room papunta sa kaniyang kuwarto sa Libra room. Humihingal siya pagsapit niya sa kaniyang kuwarto na wari’y natakasan ang panganib. Nang makabawi na ng lakas dumiretso na siya sa banyo para makapaligo.

Matapos makapaligo’t makapagbihis, binuhay niya ang TV sa kaniyang study room at nanood ng laro ng basketball, habang kinakain ang kaniyang hapunan. Maya-maya’y tumunog ang intercom sa study room.

‘Umm, brother, it’s me. I got something to tell you! May I come in?’ Si Annie ang nasa linya.

‘Sige. Pumasok ka na lang. Nandito kasi ako sa study room, okay?’

Agad namang pumasok si Annie sa study room ng kapatid. Pasalampak pa itong umupo sa sofa, at sa pinta ng mukha’y may dalang isang magandang balita.

‘Hey brother, have you heard the news?’ Maaliwalas na tanong ni Annie sa kapatid.

‘What news?’ Balik tanong ni Warren habang abala sa panunood ng TV.

‘Huh? You mean you didn’t know?’ Tila hindi naman makapaniwalang wala itong alam sa kaniyang sinasabi.

‘How am I suppose to know, when you haven’t told me anything?! Geez!’

‘Okay! Okay! My bad! But I thought mas mauuna ka pang makaalam kaysa sa ‘kin! You were in the basketball team after all. Anyway, ibabalita ko lang sa’yo na magkakaroon ng tune-up game ang school namin at ang school niyo by the end of June!’ Buong kasabikang pagbabalita ni Annie.

‘So? What’s up with that?’ Tila hindi man lang naapektuhan ng balitang iyon si Warren.

‘I can’t believe you brother! Ang bagal mong pumik-up! Listen, dahil nga may laro kayo kalaban ang CEU Scorpions, that means may dahilan ka nang pumunta sa CEU! And you know what that means?! Yes, may chance ka nang ma-meet si Jillia Corsega!!! Isn’t that great news?! Hi! Hi! Hi!’

Sandaling natigilan si Warren. Pagkatapos ay humarap kay Annie. ‘P-pero… paano naman kami makakapag-meet? May pagkakataon ba siyang makanood ng game? Di ba parang malabo?’ Tila naghahanap siya ng eksplenasyon sa ekspresyon ng kaniyang mukha.

‘Relax! I got that covered! Nakalimutan mo ‘atang kaklase ng team mate ko si Jillia! At nakausap ko na siya kanina at siya na ang mag-aasikaso sa lahat para magkita kayo! Kung paano, malalaman mo na lang ‘pag nando’n ka na! Hee! Hee!’

‘Aww! Man! I hate that kind of stuff?’ Yamot na wika ni Warren.

‘But before that day sets, kailangan mo nang pag-aralang labanan yang “Torpedo Syndrome” mo para hindi naman masayang ang diskarte namin sa’yo, okay? Remember that brother! Good night!’ At iniwan na si Warren.

Napapaisip naman si Warren. Ni hindi na nga nito namalayang iniwan na pala siya ng kapatid. Tila nabuhayan siya ng loob sa ibinalitang iyon ni Annie. Noon kasi, nang malaman niyang lumipat na ng eskuwelahan si Jillia ay kasunod rin nitong nawala ang pagkakataon niyang maligawan ang dalaga. Ngunit ngayon, pakiramdam niya’y hawak na niya ang kamay nito hindi pa man sila nagkakakilala at bigla’y pananabik ang namutawi sa kaniyang mga mata. Sari-saring ideya na nga ang pumapasok sa isip niya nang mga sandaling iyon, kung paano niya babatiin si Jillia kapag nagkita na sila.

Pinatay na niya ang TV, at pagkatapos ay kumuha ng isang libro mula sa bookshelf. Self-help book iyon na tungkol sa pakikipag-date. Pinakatatago niya iyon pagkat alam niyang hindi siya titigilan ng kantiyaw ni Annie kapag nalaman nitong nag-iingat siya ng ganoong libro. Pagkakuha ng libro’y naupo siya sa kaniyang desk at nagsimulang magbasa. Sa pagkakataong iyon ay magiging handa na siya sa pakikipagkita kay Jillia. At kung kailangan niyang kabisaduhin ang tatlong pulgadang libro na iyo’y gagawin niya makuha lang ang loob nito. Habang nagbabasa’y bigla niyang naalala ang araw na nakita niya si Jillia, mahigit isang taon na ang nakalilipas. Unang linggo noon ng pasukan, sa may Rizal Library, kung saan una niyang nasilayan si Jillia.

‘Haayy!!! Napaka-KJ talaga ni Mr. Dacuycoy! Ni hindi man lang nagbigay ng considerasyon! First week of class pa lang may assignment na! kainis!’ Reklamo ni Chad sa aniya’y napakaagang takdang aralin na ibinigay sa kanila ng kanilang propesor sa History 3.

‘Puwede ka namang hindi gumawa.’ Blangkong tugon ni Warren kay Chad.

‘Heh! As if naman na puwede akong mag-aklas kay Mr. Dacuycoy! It’ll cost my basketball career! Alam mo ikaw, magko-comment ka na nga lang wala pang kuwenta! Nagiging kamukha mo na tuloy siya eh!’

‘Eh alam mo naman palang wala ka ring magagawa, reklamo ka pa nang reklamo diyan! Sino kayang sira sa ‘ting dalawa?’

‘Oo na! sabi ko nga eh! Tsungit! Alam mo pare, hindi rin magandang masyado kang nagsusuplado! Lalayo ang tao sa’yo pag ganyan ka! Eto walang halong intriga; hindi mo siguro napapansin, pero alam mo bang maraming nagkaka-crush sa’yong mga bebot dito sa university? You will never know kung gaano sila kadami hangga’t hindi mo nakikita! Pero alam mo kung ano ang nakaka-depress, para silang mga usa na nangingilag sa leon! Pa’no ba naman, ‘pag binabati ka, hindi ka man lang umiimik! Kapag nilapitan ka naman nila, daig mo pa si Jason kung makatitig! Eh, kahit sino nga naman mangingilag nang kausapin ka pa! kahit nga siguro si Mickey Mouse mapapasimangot mo eh! Kaya hayun! Bumabaling sila ‘dun sa playboy na si Sanders! At ano ang napapala nila? Impiyerno pare! Impiyerno! Kaawa-awang mga nilalang! haaayyy!!!! Minsan nga sinasabi ko kay lord; oh lord! Why not me?! Sana sa ‘kin mo na lang isinaboy ang kaguwapuhan ng walang kuwenta kong kaibigan! Nasasayang ang biyaya! At alam mo ba, sa tuwing maiisip ko ‘yun, gusto kitang sakalin dahil napaka-manhid mo pare!!! Nakakainis kaaa!!!’

‘Hindi naman kaya… ikaw ang may gusto sa ‘ken? Daig mo pa ang babae kung magngangawa eh!’ Sabi nito habang hindi natitinag sa pagsusulat.

‘Manahimik ka na lang at makinig Mr. Warren Clark Seales! Dahil isa kang walang pusong tao na hindi man lang alam ang damdamin ng isang babae! At hindi mo ko katulad, dahil isa akong lalaking maginoo at taong sensitibo sa nararamdaman ng mga kababaihan! At kahit kailan hindi mo yun maiintindihan! Dahil manhid ka pare! Manhid! Manhid!!!’ Isinisigaw pa niya iyon sa tainga ni Warren.

‘Geeezzz! Yan ba ang natutunan mo sa panonood ng Mexican dramas? In fairness ang panget ah!’ Iiling-iling si Warren habang natatawa.

Maya-maya pa’y naputol ang pag-uusap nina Warren at Chad ng mga ingay na likha ng mauugong na bulungan ng mga estudyanteng naroon. Karamihan sa mga ito’y nakalinga sa direksyon ng entrance ng library, kaya naman pati silang dalawa’y napatingin na rin doon. At nalaman nilang si Jillia pala ang pinagpipiyestahan ng tingin ng mga estudyante. Mistula silang mga surveillance camera na nakatutok sa dalaga sa bawat hakbang nito papasok ng Filipiniana Section.

‘Hwow! Pare! Siya pala yung sinasabi nilang super ganda at super seksing si Jillia Corsega!’ Nuon lang nagkaroon si Chad ng ideya tungkol sa dalaga nang maulingan niya ang mga nagdadaldalang estudyante malapit sa desk nila ni Warren. ‘Ha-nepp!!! Pati yung pangalan niya fit na fit din! Parang tunog royalty! Oh! Tingnan mo nga siya! Ang amo ng mukha, ang lambot ng lips, ang sarap halikan, perfect na perfect ang ilong, at ang mga mata niya, oh my gulay! Nakaka-in love! At tingnan mo rin yung hubog! Grabe! Pang Miss Universe! San ka pa niyan? Haaayyy! Tapunan lang niya ako kahit isang sulyap, puwede na ‘kong mamahinga! Oh, Jillia, aking anghel! Maaari mo bang pagdamutan kahit saglit lang ng iyong nakatutunaw na ngiti ang abang lalaking ito?! Ahahay! Parang gusto kong maging poet!’

Si Warren nama’y tila binatubalani sa pagkakatitig nito kay Jillia. Ni hindi na natitinag sa kinauupuan, ni kumukurap man lang ng mata. Pakiramdam niya’y para siyang sinindihang kandila na unti-unting nalulusaw sa apoy, at wari’y hinihila siya ng kanyang mga paa papunta sa kinaroroonan ng dalaga, habang mabilis na tumitibok ang kanyang puso sa puntong halos ikapugto ng kanyang hininga. At nang tuluyan na itong nawala sa paningin niya, pagpasok nito sa Filipiniana bigla siyang napaangat sa kanyang kinauupuan upang habulin sana siya ng tingin, ngunit dahil sa lipad ang isip hindi niya naiwasan ang upuan sa kanyang harapan at bumangga siya roon paghakbang niya. Napahiyaw siya sa sakit.

‘Ayan kasi! Kung saan-saan tumitingin! SINO ba kasi ang tinitingnan mo ‘dun sa Filipiniana, ha?! He! He! He! He!’ Napapasinok sa kakatawa si Chad.

Hawak-hawak naman ni Warren ang paa niyang tumama sa silya at napapangiwi sa sakit.

‘Kakaiba ‘to! Na-love struck ang mokong! He! he! he! he! Kunsabagay, napakaganda nga naman talaga ng anghel na ‘yun! Yun ang tipo ng babaeng higit pa sa isang milyong babaeng pinagsama-sama; mapasagot mo lang ‘yun solve na! Sayang hindi ako pogi para makatabla sa ganda niya, pero ikaw tsong, puwedeng-puwede! Lakas lang ng loob at konting landi okay na! Ba hindi lang si Clifford ang may karapatan sa biyaya ng langit ‘no?!’

‘Sira ka talaga! Tara na nga, oras na ng klase natin!’ Sabay padabog na itinulak ang silya’t nagmamadaling naglakad palabas.

‘Hay! Nakakatawa talaga ang lalakeng ‘yun!’ Iiling-iling niyang sinundan si Warren palabas ng library.

Umaalingawngaw sa isip ni Warren ang mga huling sinabi sa kanya noon ni Chad, na maaari silang magkatuluyan ni Jillia kung susubukan lang niyang manligaw sa dalaga, tutal naman, kung sa kisig niya’y madali na niyang mapapantayan ang kagandahan nito at hindi siya mag-aalalang “out of league” siya. Naglakas-loob na rin naman siyang manligaw noon sa dalaga dangan nga lamang, noong dumidiskarte pa lang siya’y naunahan na siya agad ni Clifford sa panliligaw rito, at nang mabalitaan niyang umalis na nga ang dalaga sa Ateneo’y doon tuluyan nang nadurog ang natitira pang pag-asang mayroon siya. Ngunit ngayong may nakahain na muli na pagkakataon sa kanya’y hindi na siya magdadalawang-isip; liligawan niya na agad ito at kung kinakailangan niya nang hugutin lahat ng diskarteng nalalaman niya’y gagawin niya makuha lang ang loob nito.

Maya-maya’y sumeryoso ang kaniyang mukha. Napatingala siya sa kisame at nagsimulang magmuni-muni. Pumikit pa siya at pabulong na binabanggit nang paulit-ulit ang pangalan ni Jillia.

‘Jillia.’ Kinakausap niya ang sarili. ‘Sayang at hindi tayo nagkitang dalawa noon. Pero kung sakaling dumating ang araw na ‘yon… pansinin mo kaya ako? Sana naman hindi mo ‘ko irapan o kaya kainisan, sapat na sa ‘kin na ngitian mo ‘ko… Haaayyy!!! Ano ba ‘tong pinagsasasabi ko, nakakahiya naman!’

Naiisip niya ang posibleng mangyayari kung sakaling marinig siya ni Annie na nagsasalita nang ganoon; siguradong walang puknat na kantiyaw ang aabutin niya rito. Si Annie kasi ang pinakamatinik niyang kritiko, maliban na lamang sa husay niya sa basketball. Wala talaga itong maipipintas sa kaniya at halos sambahin na nga siya ng kapatid sa sobrang paghanga nito sa kaniya. Ngunit kung sa iba pang bagay, gaya ng pagliligawan, hindi niya susubukin si Annie sa asaran. May mga pagkakataon pa na pinaghahambing silang magkapatid ng kanilang mga kamag-anak. Si Annie raw ay kabaligtaran niya sa halos lahat ng aspeto ng pag-uugali. Kung si Annie ay biba, masayahin at palaging nakangiti, siya nama’y suplado, at di palakibo. Ngunit aniya, hindi siya likas na suplado; mahiyain lamang talaga siya.

Naisipan ni Warren na puntahan ang kapatid sa kuwarto nito, sa Virgo room, kaya’t dagli niyang iniligpit ang kaniyang libro at lumabas na ng study room, tuloy-tuloy palabas ng kaniyang kuwarto. Nguni’t naalala niyang para makapunta sa Virgo room ay kailangan niya nanamang daanan ang makapanindig balahibong Scorpio room. At dahil sa takot ay ipinagpaliban na niyang puntahan pa ang kapatid at bumalik na lamang sa kaniyang kuwarto. Kinabukasan na lamang siya makikipag-usap rito.



Note:Last part na po ito ng mga missing links expect niyo po yung mga latest chapters sa mga susunod na linggo. : w a v e : 
Share this post (facebook, email, twitter, etc) at pagpapalain ka ng husto.
| More
 
newer post:
POETRY OR FICTION: A PROMOTION
older post:
Based on a true story..

:: comments ::
Note: New comments (since you last visited this post) are marked with
yingying    •reply Jul 25, 2008 @ 3:42 AM
 
yehey : c h e e r :  last na..buk2 na susunod! : w o o h o o : 


hi kuya! muzta lyf? : w a v e : 
ceezzanesz    •reply Sep 9, 2008 @ 9:26 AM
 
hangkuletsz ni Chad!

i like him! : r o l l : 
anOh kea merOnsz dunsz
sa scOrpiOn rOOm nah unsz! : ? 

:: leave a comment

You need to be logged-in order to post comments.
Still do not have an account?
Register for free

newer post:
POETRY OR FICTION: A PROMOTION
older post:
Based on a true story..
login:

password:

Not yet a member?
Register for free!

Lost password?
love quotes and poems
Don't find love, let love find you. That's why it's called falling in love, because you don't force yourself to fall, you just fall.

You need to be logged in to Facebook