|
Search Tristancafe Forums
Custom Search
|
| frontpage | music | karaoke | games | forum | berks | columns | quizzes | crosswords |
|
Haven't registered here yet? Sign up now! to participate in the forums and enjoy all the cool features of TristanCafe Social Network. Everything's FREE, and it will only take less than a minute, pramis :)
Main Forum - Category:Poetry & Fiction
Northern Light (Reprise 11 & 12)
READ THIS FIRST: Hi uli senyo! I know marami sa inyo ang makaka-miss kay pareng kuligma/lalakisabanga, but at least until 5th of November lang naman siya off duty dito sa ating tambayan!
Sa pagpapatuloy nitong Reprise Chapters ng hindi matapos-tapos kong novel heto ang Chapters 11 & 12! Enjoy! Bearer Of Stars Kasalukuyang nagkaklase sina Alfredo nang umagang iyon sa History 3. Hindi ito ang klaseng binibigyang pansin ng karamihan kaya mauulingan ang mga pasaway na estudyante sa likuran ng silid-aralan, na kung hindi nagkukuwentuhan ay may kung anu-anong kabulastugan ang pinagkakaabalahan. Siya man ay ganoon din; nakapalumbaba’t malayo ang tingin. Hindi naman sa hindi siya interesado sa kanilang liksyon; magulo lamang ang isip niya nang mga oras na iyon. Binabagabag kasi siya ng mga kakaiba niyang panaginip nitong mga nagdaang linggo. At nang mabasa nga niya ang artikulong iyon sa archives ay lalo siyang hindi natahimik. Hindi niya malaman kung nagkataon nga lang ba ang lahat ng iyon o talagang may kinalaman siya rito. At kung ang huli ang sagot ay paano, at bakit. Sa katunayan, maaga siyang pumasok sa eskuwela – mas maaga pa sa karaniwan niyang iskedyul. Ginugol ang oras sa pagbabasa ng kung anu-anong libro sa loob ng archives ngunit sa tagal niya roong nagbabasa, at sukat abutan na siya roon ng bell ay wala rin siyang nalamang bago. Ang pusturang iyon ni Alfredo ay labis-labis na para mapansin siya ng kanilang propesor: ‘Don’t you want to go outside, Mr. Sandoval?!’ Ang pasarkastikong pagtawag ng kanilang propesor kay Alfredo. Hindi pa siya matitinag kung hindi pa siya kinalabit ni Rei. ‘P-po?!’ Ang tangi niyang nasambit. ‘Sino ba kasi ang tinatanaw mo doon sa labas Mr. Sandoval at kulang na lang ay matumba ‘yang silya mo sa pagsandal mo diyan sa armchair mo?! Hindi naman kaya ang iyong girlfriend?! I heard from the walls of SELAMS na madalas RAW kayong makitang magkasama ni Jillia ng School of Music?! Isn’t that right?!’ Sukat doo’y maugong na tawanan ng buong klase ang sumaboy sa buong klase. Pati sina Rei at Chito’y hindi naiwasang makitawa rin. Naging palasak na kasi sa ilang colleges ang pagiging malapit nina Alfredo at Jillia, dahil na rin sa popularidad ng huli. Hati naman ang reaksyon ng marami sa balitang iyon; ang iba’y naiinggit, sa puntong kinaiinisan na nila si Alfredo, at ang ilan nama’y hindi bilib at sinasabing malabo na maging malapit sila sa isa’t-isa. ‘S-sorry po s-sir…’ Nanginginig ang boses niyang tugon. Sukob na siya ng kahihiyan sa iskandalong iyon. ‘Alam mo Mr. Sandoval hindi naman masamang mangarap kung minsan. Pero maghinay-hinay ka lang at baka tuluyan ka nang matumba diyan sa kinauupuan mo! Masakit pa naman ‘yon!’ Muling umalingawngaw ang malakas na tawanan sa loob ng silid, lalo na iyong ilang mga kaklase niyang lalaking naiinis sa kanya magmula nang pumutok ang balita. Hanggang sa paglabas nila ng silid ay hindi tinantanan si Alfredo ng kantyaw ng ilan niyang mga lalaking kaklase. Nakababa na siya’t lahat-lahat kasama sina Rei at Chito’y nakabuntot pa sa kanila ang mga ito. ‘Hoy Alfredo! Papunta ka na ba kay Jillia ngayon?! Isama mo naman kame!’ Pasaring ng isa. ‘Oo nga naman! Ipakilala mo naman kami sa girlfriend mo! Kuno!’ Sabay tawa nang may pagkasarkastiko at pati mga kasama niya’y nakitawa na rin! ‘Ang kakapal naman ng peys niyong lahat!’ Sabad naman ni Chito na naaalibadbaran na sa mga ito. ‘Bakit naman niya kayo isasama eh kung matakot sa inyo ‘yon sa mga pagmumukha niyong mga manyak kayo?!’ ‘Asuuu!!! Nagsalita ang anghel de la guardia! Eh ikaw nga itong lider namin eh! Mas malala nga lang!’ Agad na pakli naman ng nauna na sinundan naman ng malulutong na tawa ng mga kasama nito. ‘Itulad ba ako sa’yo?! Eh at least ako me sex appeal na may sense of humor pa, eh ikaw ambaho na nga niyang mukha mo, ang baho pa niyang utak mo! Hindi naman kaya… inggit ka lang kaya parang panghalo ng graba na pumuputok ang butsi mo dyan?!’ ‘Andami mong satsat! Upakan na lang ano?!’ Napikong sabi ng una. ‘Sige lang! Lapit nang maging pinipig yang mu’ka mong mu’kang buwan!’ Sa puntong iyo’y pumagitna na si Alfredo: ‘Tigil! Nasa corridor kayo! Chito, tama na. Rossi, ayaw namin ng gulo kaya kung puwede hayaan niyo na kaming makaalis.’ Sabi niya habang nakapagitan ang kanyang kamay sa dalawa. Si Rei na kanina pa rin nakikinig sa bangayan nina Rossi at Chito ay umimik na: ‘Tsk! Alam mo Rossi, huli ka na sa balita! Kundi mo pa alam, girlfriend na talaga ni Alfredo si Jillia! Katunayan si Jillia mismo ang nagbalita sa ‘kin, abot langit nga ang ngiti niya no’n nung ibinalita niya sa ‘kin eh! Kaya lang itong si Alfredo masyadong mahiyain, kaya ayaw magbanggit!’ ‘Ano?!’ Halos sabay na bulalas nina Alfredo at Chito. Si Rossi nama’y napanganga sa pagkagulat na di makapaniwala sa narinig. ‘Kaya kung may sentimyento ka pa dyan, ibaon mo na sa lupa! Tsaka kumpara naman sa inyo, mas guwapo naman di hamak sa inyo itong best friend namin, kesa sa mga katulad ninyong mga mongrel dogs! Ano, hihirit ka pa?!’ Tinikwasan pa niya ang mga ito ng kilay habang sarkastikong tumatawa. ‘O pa’no, mga askals aalis na kame at baka mahawa pa kami ng mga pulgas ninyong nakakapanget!’ Hinawi pa niya sila nang siya dumaan sa gitna nila; puros mga tigib ang mga mukha sa kahihiyan. ‘Ayos ang entrada mo ‘dun kanina ah! He! He! Parang sinalpakan ng ipot ang mga pagmumukha nila sa banat mo!’ Sabi ni Chito kay Rei nang nasa canteen na sila. ‘Hindi ko na kasi matiis ang baho ng hininga ng mga ‘yun! At tsaka itong si Alfredo napakahina! Wala man lang ginagawa, siya na nga itong inaagrabyado!’ ‘Oo nga naman tsong! Kundi mo lang sana ‘ko inawat kanina baka naisahog ko na sa halo-halo ang pagmumukha ng Rossi na ‘yun!’ ‘At kundi sana kita inawat baka sipa ka rito, loko! Ba’t ba natin papansinin ang mga ‘yun, aksaya lang naman sila ng oras at laway! Maliit na bagay pinalalaki pa!’ ‘You know what, minsan gusto na kitang sapakin dahil dyan sa asta mong ‘yan, para naman matauhan ka! Para kang walang muwang sa mundo; naiinis ‘yung mga ‘yon sa’yo dahil nagseselos sila dahil ikaw nakakasama mo siya, sila hanggang ligaw-tingin lang! Eh ang lagay, parang hindi ka apektado eh?! Kung ako ikaw proud na proud siguro ako sa sarili ko! Hay, ewan ko sa’yo?!’ Iiling-iling na himutok ni Rei. ‘Nagtaka ka pa, e ganyan na ‘yan eh; medyo sobrang engot!’ Dagdag ni Chito. ‘Alam niyo kasi, wala namang malisya ang pagiging malapit namin ni Jillia, simpleng magkaibigan lang kami. Ang kaso minamasama ng iba; porke magkasama kami eh binibigyan nila ng kulay. Naiinggit sila kaya nililibak nila ako? Sa totoo lang walang ibang masama ang loob kundi sila, dahil wala naman silang dapat ikainis. At kung gusto talaga nilang mapalapit dun sa tao eh dapat sila ang magpursigeng lumapit. Yun nga lang, kung nandu’n rin siya kanina at narinig niya ang mga pinagsasasabi nina Rossi siguradong maiinis ‘yun.’ ‘You bet!’ Sang-ayon ni Rei. ‘Baka nga tinalakan pa niya ang mga konyong ‘yun! But tell me Alfredo; if ever ba na magpakita ng motibo si Jillia sa’yo na gusto ka niya, manliligaw ka ba?’ May kapilyahan niyang anas. Ngumiti si Alfredo: ‘Malamang hindi, kahit ako pa ang unang nagkagusto sa kanya.’ ‘Ngek! Bakit naman?!’ Agad niyang balik-tanong. ‘Kasi siguradong maaawa lang ako sa kanya, magkakaroon na lang siya ng boypren yun pang halos kasing-tangkad lang niya at patpatin pa! Para lang siyang kumuha ng PA niya! Ha! Ha! Ha! Ha!’ ‘Admit it!’ Irita niyang sabi. ‘Hindi ka seryoso nang sabihin mo ‘yun di ‘ba?! Letse ka, napaka-kill joy mo talaga! Hmmph!’ ‘Eh hindi ka rin naman seryoso sa sinabi mo kanina ah?!’ Pang-aasar pa niya. ‘Heh! Pinipilosopo mo pa ‘ko, pangit mo!’ Sabay irap kay Alfredo. ‘Siya nga pala mga guys,’ Sabad ni Chito: ‘Samahan niyo naman ako sa Quiapo oh? Bibili lang ako ng mga CD ng animé.’ ‘Puwede rin, tutal wala namang importanteng gagawin sa next class! Maglakwatsa naman tayo for a change!’ Si Rei. ‘Okay lang sa ‘kin.’ Sang-ayon naman ni Alfredo. Noon nga’y nagpunta na ang tatlo sa Quipo. Nilakad lamang nila iyon mula sa CEU pagkat nanghihinayang sila sa pamasahe. Una nilang stopover ang Plaza Miranda kung saan nakapuwesto ang mga unang hilera ng mga nagtitinda ng mga pirated CD at DVD. ‘Alam niyo, sa totoo lang naiilang talaga akong mamili ng mga CDs dito sa Quiapo.’ Sabi ni Rei habang asiwang lilinga-linga sa paligid. ‘Honestly, hangga’t maaari ayokong bumili ng pirata, ang kaso sobrang ang mamahal nang mga original, minsan tuloy natutukso ako! Tsaka hindi bagay sa image ko; napaka-elegante ko pa naman!’ ‘May sinasabi ka ba?! Hindi ko marinig eh!’ Sarkastikong pasaring naman ni Chito. Habang abala sina Chito at Rei sa pamimili, si Alfredo nama’y pinagkasya na lang ang sarili sa pagtingin-tingin sa paligid. Sa kanyang pagmamasid napako ang kanyang paningin sa hilera ng mga manghuhula sa plasa nang mamataan niya ang isang maliit na tent na kulay lila. Waring may kakaibang awra siyang naramdam rito na tila bumubuyo sa kanyang lumapit; at gayon nga ang kanyang ginawa. Sa loob, nadatnan niya ang isang manghuhula roon. Tumingin-tingin muna siya paligid; walang gaanong detalye sa loob dahil maliit ang tent. Lumapit naman siya sa manghuhula upang umusyoso. Nang sandangkal na lamang ang distansya niya rito’y namangha siya—isang napakagandang babae pala ang manghuhula, nakapikit ito na parang may malalim na iniisip. Nakasuot ito ng itim na itim na balabal na bahagyang tumatakip sa kanyang ulunan, sa sobrang tingkad nga ng pagkaitim nito’y nagmumukha itong blangkong espasyo. Mayroon rin siyang suot na mga magagarang pulseras sa pareho niyang pulso na hindi karaniwan ang mga disenyo. Ang kutis nito’y halos sing-puti ng niyebe at ang buhok ay nakatirintas na nakalalay sa harapan at abot hanggang puson. May nakita rin siyang tila mamahaling batong naka-ingkahe sa kanyang noo. Habang pinagmamasdan ni Alfredo ang manghuhula, tila ba may kakaibang kabang tumatambol sa kanyang dibdib. Hindi niya maintindihan ngunit pakiramdam niya’y hindi tao ang kanyang kaharap. Biglang dumilat ang manghuhula, sukat ikagitla ng binata. Tinitigan siya nito, lalo naman siyang kinabahan at pakiramdam pa niya’y matutumba siya. Pagkuwa’y sabi: ‘Sino ka?’ ‘P-po?! Ammm… kuwan po… p-pasensya na kayo sa pagpasok ko nang walang paalam. S-sige po aalis na po ‘ko.’ At tarantang tinungo ang kurtina palabas. Ngunit nang hahawiin pa lang niya ang kurtina’y biglang kumislig ang kanyang katawan at parang namanhid ang kanyang pakiramdam, Muling nagwika ang mahiwagang babae: ‘Sino ka?... Ano ang iyong hinahangad?... Ang iyong mga pinapangarap?’ Hindi magawang sumagot ni Alfredo, wala siyang ideya kung paano sasagot at kung ano ang isasagot sa mga tanong na iyon ng mahiwagang manghuhula. Ni hindi nga nito maibuka man lang ang bibig sa labis na kaba. ‘Nasaksihan ko… sa uniberso na kumakatawan sa buhay ng sangkatauhan, ang iyong paglalakbay sa sanlibutang ito… bagama’t wala sa aking kaalaman ang iyong kapalaran ako’y naririto bilang tagamasid na patuloy na nanonood sa inyo…’ ‘A-anong ibig mong… sabihin? Wala akong maintindihan sa mga sinasabi mo?!’ Lakas-loob niyang tanong sa kabila ng kanyang panginginig. ‘…Hindi sapat ang mga matang ito upang ilahad sa’yo ang lahat… at sakaling iyong mabatid hindi ko alam kung magiging handa ka ba sa katotohanan… Ngunit anuman ang mangyari darating at darating sa iyo ang sandaling iyon, habang patuloy kang hinahatak ng iyong determinasyon at pagnanais na makamit ang katotohanan… ang iyong pinapangarap… at habang ika’y nasa daan hinihiling kong magpakatatag ka sana, munting bituin…’ Sukat doo’y bigla ang panlalabo ng mga mata ni Alfredo, hanggang tuluyan siyang panawan ng ulirat. Nang magbalik ang kanyang malay, naulingan niya na lamang ang ingay sa paligid, at nagisnan ang sariling nakahiga sa plasa malapit sa hilera ng mga manghuhula. ‘God! Tinakot mo ‘ko ‘dun ah?! Ano, okay ka na ba?!’ Labis ang alalang usisa rito ni Rei. ‘A-ano?! N-nahimatay ako?!’ Tila gulat na gulat namang balik-tanong ni Alfredo. ‘Eh? Ano ba’ng nangyayari sa’yo?! Hindi mo alam na nag-collapse ka na lang bigla sa gitna ng plasa?! Naka-drugs ka ba?!’ Si Chito naman ang sumabat. ‘P-pero dito… kanina lang may tent… tapos pumasok ako ‘don… may nakita akong isang babaeng manghuhula… at bigla na lang nawalan ako ng malay?...’ Napakunot-noo naman na nagkatinginan ang dalawa sa sinabing iyon ni Alfredo. ‘Tent?! Eh wala namang tent dito sa hilerang ‘to eh?! It could be the heat going through you Alfredo! Mukhang kailangan mo na’ng magpahinga!’ Si Rei. ‘A-anong… sinabi mo?...’ Ang tanging nasambit ni Alfredo. The BIG Day Huling araw ng Hunyo – Pinaka-aabangang araw ng karamihan ng mga estudyante ng Centro Escolar. Ito ang araw na magaganap ang isang tune-up game sa pagitan ng mga bagito sa UAAP na CEU Scorpions at ang nakaraang kampeon na AdMU Blue Eagles. Abala ang bawat isa para sa mahalagang okasyong ito, mula sa mga faculty members ng bawat colleges hanggang sa mga estudyante at mga manlalaro ng bawat eskuwelahan. Ngunit para sa iilan higit pa ito sa pagiging importanteng araw. Tulad na lang ni Warren. Isang natatanging sandali ang araw na ito sa kanya dahil ngayong umaga matutupad lahat ng kanyang mga pinapangarap—kahit man lang sa iilang oras na ilalagi niya sa CEU. Walang anuman siyang nagmamaneho papuntang unibersidad nang bigla’y madiskaril siya sa kalsada at muntik pang bumangga sa isang poste kundi lang sa maagap niyang pagpreno. Sa pagkamangha’y agad siyang lumabas ng kotse at tumambad sa kanya ang putok nang gulong nito. ‘Damn! You, piece of scrap metal!!! Of all these days ba’t ngayon ka pa na flat-an?! Shit!’ Ang yamot na yamot na pagsipa ni Warren sa kanyang sasakyan. Naiinis siya pagka’t hindi siya marunong magpalit ng gulong kaya siguradong mahuhuli na siya sa kanilang laro. Ngunit sa kabila ng lahat tila kinakasihan pa rin siya ng suwerte; isang lalaking naparaan ang huminto sa kanya’t nag-usisa: ‘Kaibigan, mukhang may problema ka. Baka makatulong ako. Ano ba ‘yon?’ ‘N-na flat-an kasi ako eh. Baka naman marunong ka, would you help me fix my tire? Hindi kasi ako marunong.’ Desperado na siya kaya’t hindi na siya nag-atubiling tanggapin ang iniaalok na tulong ng binata. ‘Sige. May spare tire ka ba diyan?’ ‘I think I have one back in the trunk. I’ll go get it.’ Ilang minuto pa, natapos nang palitan ng binata ang sirang gulong ng kotse. Naalwan naman si Warren pagkat kanina pa siya balisa sa paghihintay na maayos ang kaniyang kotse. ‘Ayos! Tapos na! Yun nga lang may mga napansin lang ako sa sasakyan mo na sabihin na nating kailangan mong pagtuunan agad ng pansin. Una itong mga gulong mo; although nagagamit mo pa sila ngayon, medyo pudpod na sila kaya hindi malayong ma-flat-an ka uli. Pangalawa itong preno mo; mas makakabuti sigurong maipaayos mo ‘to, kundi man mapalitan mo dahil nilalaspag na at mahina na ang kapit. At pangatlo… sana alagaan mo ang sasakyan mo; ito lang naman ang bagay na maibibigay mong pabor sa kanya sa mga naitulong niya sa’yo; hindi naman mahirap gawin yun ‘di ba?’ Nahihiyang napakamot ng ulo si Warren: ‘O-oo tama ka… nahihiya tuloy ako sa sarili ko dahil hindi ko man lang maayos ang sarili kong kotse! Salamat nga pala sa tulong mo ha?’ ‘Wala ‘yon! Normal na sa ‘kin ang tumulong sa mga nangangailangan! O pa’no una na ‘ko sa’yo?’ ‘S-sandali! tutal naman tinulungan mo ‘ko sumabay ka na sa ‘kin!’ ‘Hindi na kailangan. Diyan lang naman ako sa CEU. Hindi naman na malayo. Salamat na lang.’ ‘Okay lang! actually dun din ang punta ko eh!’ ‘Gano’n ba? Bueno, sige! Salamat!’ ‘No prob! Okay tara na!’ Habang nasa daan nagsimula ng paksa ang binatang estudyante. ‘Sa tangkad mong ‘yan, hula ko isa ka sa mga player ng Ateneo na makakalaban ng Scorpions mamaya, tama?’ ‘Oo. Ako nga pala si Warren. Center ng team. Nice to meet you!’ Pagpapakilala ni Warren habang diretso ang tingin sa kalsada. ‘Si Alfredo naman ako. Nice to meet you rin! Mukhang mapapalaban kaagad kami ah?! Hindi pa man nagsisimula ang liga, champion na agad ang kakalabanin namin!’ Pabirong tinuran ni Alfredo. ‘Hay naku! Hindi ka dapat nabibilib sa team namin! Oo nga’t champion kami ngayon, pero hindi naman kami palaging gano’n. And tell you what, may palagay akong maganda ang magiging debu ng school n’yo sa darating na season dahil balita ko masipag mag-training ang team n’yo.’ ‘Ba! Dapat lang siguro, kung ayaw nilang magbakasyon ng maaga! Ha! Ha! Ha! Ha! Good luck na lang sa ating lahat kung gano’n!’ ‘Likewise! Matanong ko lang Alfred, mukhang marami kang alam sa kotse at makina. Are you a racer or something?’ Tanong ni Warren kay Alfredo na puno ng kuryosidad. ‘Hindi naman gano’n karami ang alam ko sa kotse. Dati kasi akong driver ng cargo truck sa probinsya namin. Marami lang akong kakilalang mekaniko kaya may natutunan din ako sa kanila.’ ‘Really?! Wow! I can’t imagine! Nahihiya tuloy ako sa sarili ko! May kotse nga ako pero ni magpalit ng gulong hindi ako marunong!’ Natatawang pag-amin ni Warren. ‘Hindi rin naman ganoon kahirap gawin ‘yun. Basta nakita mo na, madali na ring gawin!’ ‘Gusto ko rin sanang magpaturo sa’yo kaso mukhang hindi rin tayo makakapag-usap ng matagal. Nakakapanghinayang talaga!’ ‘Anong malay mo, baka sa mga susunod na pagkakataon baka magkasama uli tayo? Maliit lang naman ang mundo!’ ‘Kunsabagay!’ Ilang sandali pa’y narating na ng dalawa ang unibersidad. ‘Pa’no Warren? Mukhang dito na tayo maghihiwalay? Sana maging maayos ang laro ninyo mamaya!’ ‘Salamat, it was really nice talking to you! And hopefully sana magkita pa tayo ulit! Marami akong ipapaturo sa’yo sa pagmemekaniko!’ ‘Oo ba?! O sige una na ‘ko!’ At umakyat na si Alfredo sa CDL building habang dumiretso na rin si Warren sa TC gym. Pagsapit pa lang sa pinto ng TC gym ay sinalubong na siya roon ni Chad. Nakapamaywang ito’t nakatikwas pa ang kaliwang kilay. ‘Magaling! Magaling! Magaling! Ginagawa mo na talagang habit ang pagiging late! Gusto mo bang dito pa lang lumpuhin na kita para hindi ka na makalaro kahit kelan?! Tutal mas gusto mong tumakbo ng 30 laps sa court!’ Pambungad ni Chad na humarang talaga sa daanan ni Warren. ‘Nasiraan kasi ako sa daan kaya medyo na-late ako. Tsaka hindi pa naman nagsisimula ang laro, ba’t ba ang OA mo?!’ ‘Eh kung bangasin ko kaya’ng mukha mo?! Kung hindi lang sana ako lang ang makakasalo sa mga laway ni coach ‘pag bumunganga na siya sa ‘ken dahil ako lang daw ang nakakausap mo ng matino wala akong pakelam kahit mabundol ka pa eh!?’ ‘Tama ka na nga diyan! Nakarating naman ako in-time kaya wala nang problema!’ ‘Haaayyyy!!! Ewan ko sa’yo! Pero grabe pala rito no?! Pakiramdam ko tuloy tayo ang home at ang Scorpions ang visitor! Kita mo naman, mapapatid na ata ang mga ugat ng mga estudyante rito sa kakasigaw habang iwinawagayway pa yung banner nila na “I love you Cliff!” Tsk! Nadyadyahe tuloy ako sa ginagawa nila eh! Parang gusto ko tuloy lumipat sa kalaban!’ Wala namang imik si Warren. Nakatanaw lang siya sa mga manonood at waring may malalim na iniisip. Samantala, si Alfredo, na agad dumiretso sa kanilang klase sa DCT-Lanai building ay namangha nang makaakyat siya pagkat halos walang nang tao roon, at kung mayroon ma’y mga nagsisibabaan na. Pagsapit niya sa kanilang silid-arala’y bumungad kaagad sa kaniya si Chito. ‘Oy! Alfredo! Ba’t ka pa umakyat wala tayong klase ngayon!’ Bungad niya rito. ‘May kutob na rin akong wala tayong klase ngayon, pero nagbakasakali lang naman ako. Saan ba ang punta ng mga kaklase natin?’ ‘Ayun, papunta sila sa laro sa T.C.!’ ‘Gano’n ba talaga kahalaga ang okasyon ngayon at buong university pa halos ang sumugod sa TC gym para lang panoorin ang laro?’ ‘Haayy! Hindi ka na nasanay sa eskuwelahang ‘to! Pagdating sa mga ganitong events asahan mo kahit saan pa ‘yan sukdulang dalhin na nila ang buong Mendiola! At dahil UAAP ang pinag-uusapan, siguradong hindi ‘yan palalampasin ng mga faculty members, lalong-lalo na ang AMT, mga players nila yun eh. At siyempre malaking publicity ang makukuha nila dito! UAAP ba naman!’ ‘Kunsabagay. Kung tutuusin, publisidad nga ang nagkukulang sa University na ‘to, at ngayon na siguro ang magandang pagkakataon para makuha natin ‘yon. At least, dito sa UAAP.’ ‘Sinabi mo! O pa’no na nga pala ‘to? Sa’n tayo ngayon tatambay?’ ‘Bakit hindi rin tayo manood? Tutal naman nan’don silang lahat? Tsaka medyo curious ako sa tsansa ng team natin sa UAAP.’ ‘Puwede rin. Sana nga lang may maabutan pa tayong puwesto ‘ron!’ ‘Eh tara na at baka kahit sa railing hindi na tayo makaupo!’ Hindi nga nagkamali si Alfredo pagkat nadatnan nila ang gym na hindi na halos mahulugan ng karayom sa dami ng mga estudyante’t mga guro na dumalo sa laro. Mabuti na lamang at nakita sila ng kanilang mga kaklase at kahit papaano’y nakakuha sila ng kumportableng mauupuan. ‘He! He! Kahit papa’no sinusuwerte pa rin tayo! Grabe! Ang dami natin dito! Hindi kaya suspended na ang klase ngayon?!’ Pabirong tinuran ni Chito. ‘Oo nga pala? Si Rei ba’t hindi mo kasama kanina?’ ‘Humiwalay na siya sa ‘kin kanina nung mag-anunsiyo si ma’am na wala tayong klase ngayon. Pero kung nasaan man siya ngayon, siguradong hindi dito ang punta ng babaeng ‘yon!’ ‘Tama. At malamang, wala na siya sa CEU sa mga oras na ‘to.’ ‘Ewan ko ba sa bruhang karatista na ‘yun?! Marinig pa nga lang niya yung pangalang Clifford Sanders nagpapanting na ang tenga nu’n eh! Napapaisip tuloy ako kung may nakaraan ba ang dalawang ‘yun!’ Natatawang sabi ni Chito. ‘Anong malay natin? Baka meron nga!’ Sarkastikong tugon ni Alfredo. ‘Sa mga banat mong ‘yan parang may alam kang hindi ko alam ah? I-chika mo naman?!’ Malokong siniko-siko pa niya si Alfredo. ‘Tumigil ka na nga! Magsisimula na ang laro.’ Sa kaagahan ng laro, nagpakita agad ng kanilang tikas at husay ang Ateneo nang pasimulan nila ang mga unang minuto ng 1st quarter ng isang 13-0 run, sa pangunguna ng kanilang ace player na si Clifford Sanders. Dahilan upang tumawag ng maagang time-out ang kampo ng CEU. Ngunit maging iyo’y hindi napigil ang pananalasa ng Ateneo at sa katapusan ng unang yugto’y lumamang sila sa bagitong Scorpions ng 20 puntos sa score na 29-9. Sa second quarter, sinikap ng CEU na makahabol, at kahit papaano’y naibaba nila ang lamang sa 13 sa score na 34-21, may 3:14 natitira sa orasan. Ngunit minamanmanan lamang pala sila ng Blue Eagles at sa katapus-tapusan ng 1st half ay naikalpot ang pinakamalaking lamang nito sa score na 49-23. Sa pangyayaring ito’y hindi maiwasang manlumo ni Alfredo. ‘Terible! Wasak na wasak ang diskarte ng team natin sa Sanders na ‘yun! Ang galing masyado!’ Paghihimutok ni Alfredo habang tinitingnan ang scoreboard. ‘Di rin! May kabuwakawan nga eh! Siya lang ata halos ang pumuntos sa iskor nila eh!’ Ani Chito na tila pumoprotesta. ‘At least magaling siya para sa isang buwakaw. Kundi, hindi naman siya maglalaro ngayon diyan.’ ‘Alam mo, parang gusto kong manabunot ng babae ngayon! Tingnan mo naman! Eh parang yung CEU pa natin yung visitor eh?! Nakakabuwisit! Imbes na mag-cheer ang mga putek sa team natin, wala na silang ginawa kundi magtitili sa Sanders na ‘yun! Kakaasar!!! At least ngayon, naiintindihan ko na ang drama ni Rei!’ Hindi na lamang umimik si Alfredo. Ang totoo, maging siya’y naiinis rin sa kawalan ng suporta ng kanilang mga kaiskuwela sa kanila mismong koponan at bagkus ay inaaksaya ang boses sa katitili sa kalaban. Tuloy, parang gusto niya nang sumali na rin sa laro at kahit papaano’y tulungan ang Scorpions na waring nadidiskumpiyado nang maglaro. Hindi nagbago ang tema ng laro sa pagtuntong ng 2nd half. Nagpatuloy si Sanders sa pagwasak sa depensa ng Scorpions, habang sa opensa’y umaasa na lamang sila sa ilang open court baskets at mga free throws na manaka-nakang ibinibigay sa kanila ng Ateneo. At sa katapusan, nanaig ang mga kampeon ng nakaraang taon sa isang kumbinsidong 98-64 panalo. Nakatatawang nagbubunyi ang mga Escolarians sa tagumpay ng kalabang koponan, habang ang mga nanlulumong Scorpions ay mga nakatungo habang papalabas ng basketball court. ‘Haayy!!! Bad trip!!! Sana hindi na lang din tayo nanood ng laro! Nakakadismaya ang mga kaiskuwela natin sa mga pinaggagawa nila! Kung niru-root nila ang Ateneo, ba’t hindi na lang kaya sila lumipat?! Kakainis talaga!’ Yamot na sabi ni Chito. ‘Sinabi mo pa! Naaawa tuloy ako sa team natin dahil halatang demoralisado sila. Pero aaminin ko, magaling din naman talaga yung mga kalaban natin ngayon. Hindi sila tinawag na champion sa wala kaya dapat magpursige nang husto ang CEU.’ ‘Kunsabagay. Sana nga lang, kapag nangyari na ‘yon, hindi na manonood ang mga bruha nating mga kaisluwela dahil baka imbes na publicity eh sandamakmak na kahihiyan lang ang abutin natin! Tara na nga, uwi na tayo! Nagugutom na ko eh!’ ‘Mabuti pa nga!’ At sabay nilisan ng magkaibigan ang unibersidad. Sa kabilang panig naman ng CEU, nagbalik na si Rei sa unibersidad, na pansamantalang nag-gala kung saan upang palipasin ang nagaganap na tune-up game ng Scorpions at Ateneo. Hindi talaga niya masikmura ang atmospera sa CEU nang dumating ang mga Blue Eagles sa kanilang eskuwelahan. Bagaman hindi naman siya galit sa mismong koponan, may isang partikular na player doon na talagang sukdulan ang kaniyang pagkamuhi, na marinig pa lang niya sa pangala’y nag-iinit na ang kaniyang mga kamao at tila nais mambusal ng kahit na sinong taong mapadaan sa harapan nito. Ngunit kahit papaano’y napanatag na siya, at sa wakas, napawi na ng hangin ang masamang aura sa paligid ng unibersidad, nang matapos na ang laro. Iyon ang buong akala niya. ‘Well! Well! What a pleasant surprise! I didn’t expect to see you again, “Iron Maiden,” Ms. Rei Hayase!’ Anang boses na nagmula sa likuran ni Rei. Nakatikwas ang kanang kilay na nilingon naman ni Rei ang taong iyon na tumawag sa kaniya: ‘Yeah! It’s surprising that whenever I go, you can’t seem to get off of my tail! And tell ‘ya what?! It really is disgusting!’ Mariing tugon ni Rei rito. ‘Oh! My apologies. It seems that fate playfully conspires with our destinies! No wonder why we always get a little off beat every time we meet up like this. Can you imagine how romantic is that?’ May pagkasarkastikong sabi ng lalaki. ‘No I don’t! especially not with you, you worthless worm! Mas gugustuhin ko pang lumaklak ng ihe kesa imagine-in ka!’ ‘Naturally, you’re as stubborn as ever. Plano ko pa naman na kapag nagkita tayo makakapag-usap tayo ng masinsinan. But it seems that’s not possible right now. Alam mo, nalulungkot ako dahil sa dinami-dami ng mga babaeng umiidolo sa ‘kin, pinapangarap ko pa rin na sana ikaw na lang sila… Kung alam mo lang, hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung paano tayo magkakasundo. If you know what I mean?’ Sinundan pa niya ito ng isang malisyosong ngiti. ‘Well ito lang ang masasabi ko, Mr. Sanders! Ikasisiya ko kung makikita na kitang nakabaon sa lupa! And if had the liberty I could’ve cut-down your worthless head off your shoulders and make a trophy out of it! Ngayon kung ayaw mong mag-init ang ulo ko sa’yo mabuti pang dumistansya ka na sa ‘kin!’ ‘Ooohhh! Scary! But that’s what I always liked about you; so intense! Alam mo bang lalo kang sume-sexy kapag nagagalit ka, kaya ayos lang sa ‘king mainis ka nang todo sa ‘kin! Ha! Ha! Ha! Ha! Oh, by the way, I have some more business to attend to, so please excuse me. I hope to see you again some other time, my sweet tiger!’ Tinapunan pa siya nito ng isang ngiti bago tuluyang umalis, naiwan naman si Rei na hinahabol ng tingin si Clifford; nanlilisik ang mga mata. ‘Damn you Clifford… Damn you to hell!!!’ Ito ang mga salitang paulit-ulit sinasambit ni Rei sa kaniyang isipan habang tinatanaw ang papalayong lalaki. NEXT: Chapter 13 - Untitled 1 WARNING!: Mahaba ang post na 'to kaya sa mga may sored eyes sa mahahabang post I suggest i-copy n'yo 'to sa isang notepad at doon ninyo basahin!
Share this post (facebook, email, twitter, etc) at pagpapalain ka ng husto.
:: comments ::
Note: New comments (since you last visited this post) are marked with
nasan ung ibang links gusto kong basahin ![]()
resemblance
•reply
Jun-26-08@2:16AM
kumusta? nakapag-post ka na ba para sa sanggano? para kasing indi ko nakita?
tagal kong hinintay to,,
![]()
resemblance
•reply
Jun-27-08@1:10AM
sis pedeng pahingi ulit nung e-mail add mo? naiwala ko lang nanaman hehehe... para pagnakumpleto ko to maibigay ko na sau yung kabuuan nitong NL
yingying
•reply
Jun-29-08@6:48PM
miyina_0630@yahoo.com.ph.. sory tagal ku nkareply busy busyhan dn kc ako ngaun eh,,
dnt 4get the .ph sa email add ku ha.. thanks kuya!
resemblance
•reply
Jul-2-08@8:07PM
hello! nai-send ko na yung 1-13 ng gawa ko sa email mo. check it if you haven't already
:: leave a comment You need to be logged-in order to post comments.Still do not have an account? Register for free
|
last 10 comments
in this category: categories:
Love & Intimacy(77642)Arts & Entertainment(7996) Lifestyle & Culture(3717) Politics & Issues(3390) Poetry & Fiction(10343) Random Thoughts(11234) Forwarded Thingies(7788) FrendzCorner/ShoutOutz(22951) Games & Fun Questions(2512) Patawa Ka Talaga(2643) Tristancafe Musikahan(4240) Careers & Work Stuff(1815) School Matters(3619) Technology & Internet(4569) Classifieds & Advertisements(4056) Tristancafe Halo-Halo(1571) Barangay Tristan(1995) Site Announcements(55) Old Stories (120) tulungatong, ynill, anonsenselove, Laiideechuii, rico_nalus, mhelaisky, faded_jaded, vani_014, and 41 guests |